Bigong holdap: Anak todas, ama sugatan

MANILA, Philippines - Isa ang patay habang sugatan naman ang tatay nito makaraang pagbaba­rilin ng riding in tandem sa umano’y bigong holdap na naganap sa Quezon City kahapon ng hapon.

Nakilala ang nasawi na si Rolly Humangit, 37, ng Brgy. Ilang-ilang Brgy. Pa­yatas sa lungsod. Ha­bang sugatan naman ang tatay nito na si Romeo Hu­ma­ngit, 64, ng nasabi ring lugar.

Nabatid sa ulat, na­ga­nap ang insidente sa may kahabaan sa kanto ng T. Morato at E. Rodriguez Avenue sa Quezon City, pasado ala-1:30 ng hapon.

Bago ito, galing umano ang mag-ama sa isang sangay ng Metrobank Morato branch at nag­withdraw ng halagang P130,000 nang sundan ng isang motorsiklo lulan ang mga suspek habang sakay ang mga una ng Mitsubishi van (WTG-877).

Sinasabing nagpa­karga muna ng gas sa may Shell gasoline station sa lugar ang mga biktima at habang tinatahak ang lugar ay biglang pinaula­nan ang mga ito ng bala ng nakamotorsiklong suspect.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela si Ro­meo at diretsong sinalpok nito ang dalang sasakyan sa pader sa may kanto ng nasabing lugar.

Nagtamo ng apat na tama ng bala sa dibdib at leeg si Rolly habang nag­ka­sugat-sugat naman ang mukha ni Romeo matapos na tamaan ng basag na salamin o bubog ng wind­shield. Sa naturang insi­dente, hindi na nagawa pa ng mga suspek na kunin ang dalang pera ng mga bik­tima at tuluyan nang nagsipagtakas.

Nagawa pang ma­itakbo sa St. Luke’s Medi­cal Center ang mag-ama ngunit makalipas ang ilang oras ay binawian din ng bu­hay ang batang Humangit.

Samantala, agad na­mang nai-alarma ang na­sabing insidente sa tang­gapan ng Station 11 at agad na nagsagawa ng follow-up operation kung saan dalawa sa mga sus­pek ang naaresto sa may Betty Go St., sa lungsod.

Kinilala ng pulisya ang mga ito na sina Pedro de Leon, 56; at Ricky Cer­van­tes, 38; kapwa resi­dente sa Brgy. Kamuning sa lung­sod. Todo tanggi na­man ang dalawa sa bin­tang sa kanila. (Ricky Tulipat)

Show comments