MANILA, Philippines - Kailangan pang magtiis ng higit dalawang araw ng mga apektadong residente ng Pasig City na nalubog sa baha dahil sa Linggo pa lamang bobombahin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kinalulubugan nilang tubig.
Ito’y habang hinihintay naman na makumpleto ang ginagawang paglilinis sa buong Marikina City na matatapos pa umano sa loob ng 10 araw matapos na bigyang prayoridad ni MMDA Chairman Bayani Fernando dahil sa pinakamatinding tinamaan ng kalamidad bukod pa sa sarili niya itong lungsod.
Sinabi ni Fernando na sinabihan umano siya ng Pangulo na pabilisin ang pagpapahupa sa mga lugar na kasalukuyang pang may baha tulad ng Pasig, Taguig City, Muntinlupa City at Pateros.
Matapos ang 10 araw, saka lamang lilipat ang MMDA sa Pasig City kapag natanggal na nila ang tubig-baha.
Ipinagmalaki ni Fernando na may 36,000 cubic meter ng putik at basura na iniwan ng baha ang kanila nang natanggal sa loob ng 18 araw na walang tigil na trabaho. May 10,000 cubic meter pa umano nito ang natitirang dapat nilang linisin. (Danilo Garcia)