MANILA, Philippines - Nalambat ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa dalawang suspek na pinaniniwalaang fixer ng pekeng US visa sa isinagawang entrapment operation sa Sta. Mesa, Maynila.
Kinilala ni Deputy Director for Technical Services, Atty. Reynaldo Esmeralda ang nadakip na si Ariel R. Victorino, ng Guadal Canal St., Sta. Mesa, Maynila.
Bigo namang maaresto ang isa pang suspek na si Hershey Victorino na residente din ng Sta. Mesa, Maynila.
Nag-ugat ang entrapment matapos idulog ng mga biktimang sina Jason Navarro, Mark Anthony C. Tinio; Marina Yape Navarro; Noriel Navarro at Sheryl Pecio Anuada ang kanilang reklamo sa NBI patungkol sa inaalok na US working visa ng mga suspect.
Tig-50 libong piso umano ang hiningi sa kanila ng mga suspect kapalit ng naturang visa pero hindi ito nangyari.
Nabatid pa sa ulat na marami na ang nabiktima ng mga suspect na sinampahan na agad ng kaukulang kaso. (Ludy Bermudo)