Anak todas, ama sugatan sa kaalitang kapitbahay

MANILA, Philippines - Isang 15-anyos na binatilyo ang nasawi, habang agaw-buhay naman ang ama nito matapos pagbabarilin ng kanilang nakaalitang kapitbahay sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa mukha si Benjamin Samson, 15, taga-Tambakan St., Maypajo ng lungsod na ito.

Inoobserbahan naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi rin ng tama sa mukha ang amang si Alexander Samson, 57, ng nasabing lugar. Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspect na si Rommel Yabut.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, alas-10 ng gabi, sa hindi pa batid na kadahilanan, nagtatalo sina Alexander at Yabut sa kahabaan Road 2, Tambakan st., ng naturang lungsod.

Ilang saglit pa ay kinuha ng suspek ang kanyang baril sa baywang at agad na pinagbabaril si Alexander kung saan nahagip din ng bala si Benjamin na nasa tabi ng kanyang ama. (Lordeth Bonilla)

Show comments