MANILA, Philippines - Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bodyguard ni Trece Martires, Cavite Mayor Jun Sagun, nang isuko niya ito kahapon, kaugnay sa pagiging suspek sa pamamaslang sa isang testigo ng Dacer-Corbito double murder case.
Nabatid na kamakailan ay sinalakay ang bahay ni Jun Bulugagao Rollo, bodyguard ni Mayor Sagun, ng mga operatiba ng NBI at PNP bitbit ang search warrant, sa Barangay Cabuco, Trece Martires, Cavite, subalit bigo silang ma dakip ito.
Nakuha lamang sa bahay ni Rollo ang kalibre 45 baril dahil wala ito sa kanyang bahay.
Tinupad naman ni Mayor Sagun na isusuko niya si Rollo upang matukoy kung may kinalaman ito sa pamamaslang sa testigong si Jimmy Lopez, ang dating civilian agent ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) na napatay sa kanyang tahanan sa Cavite, noong Setyembre 2, isang araw, bago ang nakatakdang pagtestigo nito sa Department of Justice (DOJ) upang pagtibayin ang kaniyang testimonya.
Napag-alaman din umano ng task force na binubuo ng NBI at PNP na si Lopez ay kabilang sa drug watch list ng Cavite-PNP. (Ludy Bermudo)