P10 bilyon winasak ni 'Ondoy' sa Marikina pa lamang

MANILA, Philippines - Umaabot sa napaka­laking P10 bilyong ha­laga ng mga establisi­mento at ari-arian ang winasak ng delubyong dulot ng bag­yong Ondoy nitong Set­yembre 26 sa Mari­kina City pa lamang.

Ito ang inilabas na ulat ni Mayor Maria Lourdes Fernando sa pulong-balitaan kung saan ka­sama ang may P500 mil­yong halaga ng equip­ment na nasira sa loob ng Amang Rodri­guez Medi­cal Center, P100 milyon sa mga pa­aralan at city hall.

Nakikiusap ngayon si Fernando sa mga taga-Marikeño na makipagtu­lu­ngan sa paglilinis upang maibalik ang pag­kakakilanlan sa kanilang lungsod na pinakama­linis sa Metro Manila.

Wala naman uma­nong dapat sisihin sa naturang trahedya at hindi ngayon ang pana­hon upang magturuan dahil sa walang sinuman ang may kapabilidad na malaman kung kailan tatama ang flashfloods tulad rin ng lindol at pag­guho ng lupa.

Ipinaliwanag nito na gumagana naman ang “drainage system” ng Ma­rikina ngunit hindi na­kayanan ang may 23 metrong taas ng tubig na dumagsa sa kanila buhat sa kabundukan at ilog. May 14 na metro lamang umano ang normal na “water level” sa Marikina River.

Umaabot sa 67 katao ang nasawi sa lungsod ngunit 33 lamang umano dito ang residente ng Marikina habang ang iba ay inanod ng baha.

Nadagdagan pa ito ka­hapon makaraang isang hindi pa nakikila­lang bangkay ng lalaki ang natagpuan. (Danilo Garcia)

Show comments