Bahay sinalpok ng 4 na barge

MANILA, Philippines - Isang bahay ang nawasak sa tabi ng Pasig River nang sumalpok ang apat na barge na nakadaong matapos ma­putol ang marine rope bunga ng malakas na alon at hangin, sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng hapon.

Nabatid sa ulat ni PO3 Dominic De Jesus ng Manila Police District-Station 6 na nagiba ang perimeter fence at nasira ang isa sa kuwarto ng bahay ni Jesus Quiazon ng 2105 Martinez st., Sta Ana nang salpukin ng mga barge.

Nagkabungguan ang apat na barge na pinadpad sa tabi ng Ilog Pasig at tumama ang Matimbang barge sa peri­meter fence na gumiba din sa isang kuwarto.

Gayunman, walang napa­ulat na nasaktan o nasugatan dahil nagkataong nasa labas ng bahay ang mga nakatirang pamilya at ang barge naman ay wala ni isang crew dahil nakadaong lamang umano ang mga ito. (Ludy Bermudo)

Show comments