MANILA, Philippines - Bumagsak sa Orthopedic Hospital ang isang 26-anyos na lalaki nang barilin sa kanang hita makaraang mapatingin umano siya sa pulis na nag-akalang masama ang kanyang tingin dito sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Dumulog sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment si Milagros Calub, ina ng biktimang si Reynaldo Calub Jr., ng 1027-D Tayabas St., Tondo na kasalukuyang nakaratay sa Orthopedic Hospital sa Banawe, Quezon City.
Nasugatan ang batang Calub sa kanang hita nang barilin ng suspek na si PO1 Aechie Cruz ng National Capital Region Police Office-Regional Mobile Group at residente ng 1531 Tindalo st., Tondo.
Bukod kay Calub, nagharap din ng reklamo sa MPD-GAS sina Chairman Arturo Ignacio, 56, ng Barangay 221 Zone 21, District 2 at Joel Guevarra, 43, barangay tanod, ng 1027 Tayabas St., Tondo laban kay Cruz.
Sa ulat ni PO3 Reginald Delos Santos ng MPD-GAS, dakong alas-12:30 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Molave at Batangas Streets sa Tondo.
Ayon sa reklamo, ang pulis umano ay sakay ng kaniyang motorsiklo nang makasalubong ni Calub at hindi umano sinasadyang mapatingin siya rito. Agad kinompronta ng suspek ang biktima at inusisa kung bakit tinitingnan siya nito hanggang sa nagkaroon ng komosyon nang pumalag ang biktima sa tangkang pag-aresto ng suspek sa kanya.
Nang tumakbo si Calub ay binaril ito ng suspek na tumama sa hita.
Nasaksihan naman nina Ignacio at Guevarra ang insidente kaya nagtangka silang rumesponde at tulungan ang nabaril pero minura lang sila ng suspek at nanakot.
Dahil sa pangamba na mabaril ay nagkober umano sina Ignacio at Guevarra at nang makaalis na ang suspek ay saka nila dinala sa ospital si Calub. (Ludy Bermudo)