MANILA, Philippines - Ginulat ng isang 24-anyos na helper ng isang karinderya ang himpilan ng pulisya makaraang sumuko ito dala pa ang nabubulok na pugot na ulo ng kaniyang amo at sinabing siya ang may gawa ng krimen, kamakalawa ng gabi sa Quiapo, Maynila.
Nakalagay sa plastik bag ang pugot na ulo, nakaluwa ang mga mata, namamaga at wala na ang magkabilang tenga nito.
Kinilala ni Sr./Insp. Rodolfo Samoranos, hepe ng MPD-Plaza Miranda-Police Community Precinct, ang suspek na si Srejan Sia, stay-in helper sa Bernadette Eatery sa No. 501 San Rafael St., Quiapo, Maynila. Inamin din nito na ang bitbit niyang ulo na nakasilid sa plastic bag ay sa kaniyang among kinilalang si Jimmy Preston, 59.
Sa imbestigasyon ni Det. Joseph Kabigting ng MPD-Homicide Section, dakong alas-7:10 ng gabi nang magtungo sa nasabing presinto ang suspek at siya na rin ang nagturo sa mga pulis kung saan matatagpuan ang katawan ng pugot na ulo, na kinatay niya noon pang kasagsagan ng bagyong Ondoy, 5 araw na ang nakalipas.
Ayon pa umano sa suspek, nagdilim ang paningin niya dahil dalawang linggo na siyang di pinapasuweldo ng amo at nagkainitan pa sila nito hanggang sa pagpapaluin niya ng arnis ang ulo at nang mawalan ng malay ay sinimulan niyang putulin ang ari, mga tenga at ulo ng biktima.
Nagawang isuko ng suspek ang pugot na ulo ng biktima sa pulisya dahil hindi umano nito alam kung saan niya ililibing ang kanyang amo at dala na rin umano ng kanyang konsensya.
Samantala, dumulog ang mga kamag-anak ng biktima sa pulisya at ipinagbigay alam ng mga ito na nawawala ang mahahalagang kagamitan at hindi mabatid na halagang pera ni Preston na pinaniniwalaang itinago ng suspek.
Pinakain din umano sa mga alagang aso ang tenga at ari ng biktima upang pagbintangan umano ang mga aso.
Narekober din ang butcher knife, kitchen knife na ipinanghiwa umano nito sa ari at tenga ng biktima.
Nakapiit na sa MPD-Homicide Section ang suspek habang inihahanda ang kasong murder.