78 bangkay narekober sa Marikina

MANILA, PHilippines - Labis ang panlulumo ng mga opis­yales ng pamahalaang lungsod ng Marikina kasabay sa paglalarawan ni Mayor Marides Fernando na sumasa­ilalim ang lungsod sa “state of disaster” dahil na napakaraming bilang ng na­italang nasawi at bilyong halagang pagkawasak ng mga ari-arian.

“It’s in the state of disaster. Sapagkat nakita natin ang extent ng damage ng typhoon at ang pagbaha ng Marikina. Nakita natin ’yong putik, mga kotse na patung-patong na dinala ng tubig, nakita natin ang mga pamilyang naapektuhan at may mga bangkay na narekober,” pa­hayag ni Mayor Fernando.

Sa hindi opisyal na talaan kahapon, umaabot na umano sa 78 bangkay ang narerekober sa naturang lungsod kung saan 58 rito ay buhat lamang sa Pro­vident Village.

Hindi naman kinukumpirma ng al­kalde ang naturang bilang ng mga na­sawi dahil sa marami umano sa mga bang­kay ay naanod lamang buhat sa mga karatig bayan ng San Mateo at Rodriguez.

Nanawagan ito ng dagdag na pag­kain, higaan, mga unan, kumot, tubig, damit, at mga gamot para sa mga bik­tima na nasa evacuation areas sa lung­sod. Humiling rin ito ng dagdag na mga volunteers para tumulong sa paglilinis sa mga kalsada ng mga nakaharang na mga debris at mga bangkay.

Bilang tugon, may 300 miyembro ng Sidewalk Clearing Operations ng Metro­politan Manila Development Authority (MMDA) ang ipinadala ni Chairman Bayani Fernando sa Marikina habang nagpadala rin ng mga “heavy equip­ments” para hatakin ang mga sasakyan na tumirik o tinangay sa mga kalsada.

Una na ring sinuspinde ng MMDA ang “number coding” o “unified vehicular reduction program” ng isang linggo upang bigyang pagkakataon ang mga motorista na marekober ang kanilang mga sasakyan at mapabilis ang rescue at relief operations ng pamahalaan.

Tatagal ang suspensyon ng hang­gang Oktubre 2 maliban sa Makati City na nagkansela ng number coding hang­gang ngayong Martes lamang. (Danilo Garcia)

Show comments