MANILA, Philippines - Pitong tao ang nasawi nang sumiklab ang sunog sa isang squatters area sa Barangay Tatalon, Quezon City kahapon ng madaling araw habang nasa kasagsagan ng pagbuhos ng malakas na ulan dulot ng bagyong “Ondoy.”
Ayon sa inisyal na ulat ni Senior Fire Officer 1 Mike Flores ng Central fire station ng Quezon City Police, nakilala ang mga nasawi na sina Felisa Mercado, 56; Vivencio Lobentania, 7; Marin Loren Lauro, 6 buwang gulang; Joan Magcarang, 24; Aaron Nataniel Magcarang, 5; Rina Ramos, 8; at Melanio Bondoco, 28, pawang mga residente sa Agno Extension, Barangay Tatalon.
Nagsimula ang sunog pasado alas-6:00 ng gabi at bumubuhos ang ulan nang biglang umapoy ang isang dalawang palapag ng tahanan sa nasabing lugar.
Dahil pawang mga yari sa light materials ang mga tahanan ng mga residente ay mabilis na kumalat ang apoy na hindi napigilan ng tubig mula sa ulan hanggang sa tuluyang lamunin ang mga bahay dito.
Karamihan sa mga nasawi ay hindi na nakalabas pa ng kanilang tahanan nang simulang maglagablab ang mga ito kaya tuluyan nang makulong at naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Sinasabing, dahil makitid ang kalye, nahirapan ang mga bumbero sa pag-apula sa sunog na tumagal ng halos walong oras.
Nang isagawa ang clearing operations, narekober ang mga bangkay sa loob ng kani-kanilang tahanan na halos matusta matapos madaganan ng mga nagbagsakang kahoy mula sa kanilang bahay.
Ayon kay Flores sa inisyal na ulat, umabot sa 300 tahanan ang naabo sa sunog habang patuloy ang imbestigasyon ng kanilang pamunuan upang matukoy ang sanhi ng naturang insidente at halaga ng ari-ariang naabo dito.