Grenade explosion: Bata patay

MANILA, Philippines - Isang 9-anyos na batang lalaki ang nasawi, habang suga­tan naman ang lima pang katao nang sumabog ang isang gra­nada na inihagis ng mga hindi nakilalang lalaki kamaka­lawa ng gabi sa Pasay City.

Nakilala ang nasawi na si Paul Kevin Doctolero, grade 2 pupil, ng Brgy. 145 Zone 16, Sto. Niño, ng naturang lungsod. Kritikal naman ang 49-an­yos na si Rosalina Mago ha­bang su­ gatan din ang grade 3 pupil na si Jomari Olayres, Antonio Mago, 49; Bernardina Ellar, 49; at Noel Besing, 37, pawang mga residente ng Brgy. Sto. Niño.

Sa ulat ng Pasay police, na­ganap ang krimen dakong alas-7 ng gabi sa kanto ng Acacia at Lawaan Sts., Brgy. Sto. Niño. Nag­­kukumpulan umano sa na­turang lugar ang mga biktima nang dumating ang apat na lalaki at biglang naghagis ng gra­nada. Unang nakita umano ng na­­sawing si Doctolero ang ini­hagis ng mga suspek na nilapi­tan naman nito dahil sa pag-uusyoso nang biglang sumabog sa kanyang harapan nang tangka­ing pulutin ang granada sanhi ng kanyang kamatayan.

Sa lakas ng pag­sabog, na­hagip din ng mga nagtalsikang shrapnel ang lima pang biktima na nakatayo din sa lugar na pi­nangyarihan habang mabilis na tumakas ang mga suspect pa­tungo sa hindi nabatid na lugar.

Malaki ang hinala ng pulisya na onsehan sa bentahan ng illegal na droga ang motibo sa nangyaring paghahagis ng granada matapos makatang­gap ng impormasyon ang pu­lisya na madalas magkaroon ng tran­saksiyon ng ilegal na droga sa naturang lugar. (Danilo Garcia)

Show comments