MANILA, Philippines - Bala mula sa baril ng sariling tiyuhin ang tumapos sa buhay ng isang 6 na taong gulang na batang lalaki matapos pagpraktisan at aksidenteng makalabit ito, kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.
Sa mukha tumama na tumagos pa sa leeg ang bala ang tinamo ng biktimang si Mark Simon Samson, ng San Pedro St., Brgy. 3, Alaminos, Laguna.
Kinilala naman ang suspect na tihuyin na si Edgardo Ocampo, estibador sa Port Area at residente ng San Fernando Sur, Tibagin, Cabiao, Nueva Ecija.
Sa ulat ni PO2 Jaime Gonzalez Jr, ng Manila Police District Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-2:50 ng hapon sa loob ng Unit 106, Building 26, Permanent Housing, Balut, Tondo.
Nabatid na nasa ikalawang palapag o mezzanine ang mag-tiyuhin sa nasabing gusali, kasama ang kapatid ng suspek na si Elmer at nanonood umano ng telebisyon nang itutok umano ng suspek sa paslit ang baril nang hindi inakalang pumutok ito at nasapul ang mukha ng bata.
Nang bumulagta ay isinugod ni Ocampo at Elmer ang biktima sa Tondo Medical Center at dakong alas- 7:41 ng gabi nang ideklarang patay ni Dr. Joey Caringal.
Nabatid na matapos isugod ang bata sa ospital ay tumakas na ang suspek.
Unang lumabas sa ulat na biktima lamang ng stray bullet ang bata, na nagmula umano sa di malamang lugar ay puma sok ang bala mula sa bintana.
Subalit nang mamatay na ang biktima sa pagamutan, bumigay na si Elmer at sinabi ang katotohanan na mismong ang suspek ang nakabaril sa bata.
Isinampa na ang kasong homicide laban sa suspek na pinaghahanap pa ng awtoridad.