MANILA, Philippines - Upang maiwasan na magkaroon ng kulay at pagdududa kung kaya pinalitan kahapon ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda Acosta ang mga PAO lawyers na una nang may hawak sa kaso ng pagpatay kay Ruby Rose Barrameda.
Ayon kay Acosta, layon nito na maiwasang magkaroon ng ibang kulay lalo na’t ang mga nasabing abogado ay matagal ng nakatalaga sa Malabon kung saan kilala ang impluwesya ng pamilya Jimenez, na sinasabing sangkot sa kaso.
Kabilang sa mga itinalaga ni Acosta para humawak sa kaso at magsilbing abogado ng testigong Manuel Montero ay sina Atty.’s Howard Areza, Rowelyn Dacparo at Patrick Duran.
Kasabay nito ay hinamon ni Acosta ang abogado ni Lope Jimenez, isa sa mga akusado sa kaso na si Atty. Ferdinand Topacio na patunayan ang alegasyon nito na gumagamit ng iligal na droga si Montero.
Ibinunyag naman ni Acosta na nakatanggap din siya ng banta sa kanyang buhay na umano’y posibleng may kinalaman sa Ruby Rose case.
Noong Huwebes umano ng tanghali ay nakatanggap siya ng isang anonymous text message na nagsasabing pasasabugin ang bahay niya.
Nang araw ding iyon ay nakatakdang makipagkita sa kanya ang asawa at manugang ni Montero ka sama ang kapatid ni Ruby Rose na si Rochelle Barrameda upang humingi ng tulong sa PAO. (Gemma Amargo-Garcia)