MANILA, Philippines - Isang dating pulis na umano’y supplier ng shabu ng mga pumapasadang jeepney driver ang kritikal makaraang barilin ng isang operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) nang i-hostage nito ang poseur- buyer na pulis sa loob ng kanyang sasakyan sa isinagawag buy-bust operation sa kanya kahapon ng madaling-araw sa lungsod Quezon.
Si PO1 Nataniel Baguio, alyas Nataniel Reyes, 40, ng Canugan Calumpit, Bulacan at dating naka-assign sa Regional Mobile Group (RMG) ng Region 3, ay inoobserbahan ngayon sa East Avenue Medical Center (EAMC) matapos na magtamo ng tama ng bala sa katawan.
Samantala, arestado rin sa naturang operasyon ang live-in partner nitong si Christine Cassandra, 26.
Ayon kay Chief Insp. Benjamin Eleanzano, ng QCPD, si Baguio ay napilitang barilin ni Insp. Erwin Guevarra, hepe ng QCPD-District Anti-Illegal Drugs (DAID) matapos na tangkain nitong i-hostage si PO1 George Santiago na nagsilbi nilang poseur-buyer nang makatunog ito na ang kanilang transaksyon ay isang lehitimong drug operations.
Naganap ang insidente sa kahabaan ng EDSA, malapit sa GMA-7 sa nasabing lunsod pasado ala-1:15 ng madaling-araw.
Bago isagawa ang buy-bust operation ay isinailalim muna sa isang linggong surveillance ang dating pulis na sinasabing supplier umano ng shabu sa mga bus driver at mga utility van na may biyaheng SM North EDSA at Malolos Bulacan.
Narekober sa suspek ang 5 gramo ng shabu, shabu paraphernalia, isang kalibre 45 baril na may 6 na bala, at P3,000 na pera na ginamit sa buy-bust operation.
Dagdag ni Guevarra, ang buy-bust operation ay may pahintulot mula sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). (Ricky Tulipat)