Dalaga naglaslas ng pulso, nag-overdose, nakaligtas

MANILA, Philippines - Isang 23-anyos na dalaga ang himalang naka­ligtas makaraang magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtungga ng sangkaterba na multi-vitamins at maglaslas pa ng kanyang pulso sa lung­sod Quezon, kahapon ng madaling-araw.

Nakaratay ngayon sa East Avenue Medical Center (EAMC) si Karen Esmeras, naninilbihan bilang ka­tulong sa bahay ni Rodolfo Angeles ng Maralin St., Brgy. Central ng nasabing lungsod.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente ganap na alas-5:30 ng madaling-araw makaraang matagpuan ang biktima ng kanyang amo na duguang nakahiga sa kanyang kuwarto dahil sa paglaslas ng kanyang pulso. Dahil dito, agad itong isinugod sa nasabing ospital kung saan mabilis namang naisalba ang buhay nito.

Ayon sa pulisya, bihira na ang ganitong pangya­yari sa mga taong nagpapakamatay at ang kaso ng biktima ay patunay lamang na hindi pa niya oras.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente upang mabatid kung ano ang dahilan ng biktima para gawin ito. (Ricky Tulipat)

Show comments