Lumiliyab na bangkay ng babae natagpuan

MANILA, Philippines - Nagliliyab pa nang matag­puan ng mga tauhan ng Ta­guig City police ang bang­kay ng isang babae sa isang ba­kan­teng lote sa kahabaan ng C-5 Road, Fort Bonifacio kahapon ng ma­daling-araw sa natu­rang lungsod.

Hindi na makilala ang hit­sura ng naturang biktima ma­tapos na maapula ang apoy sa pamamagitan ng fire ex­tin­guisher dahil sa pagkaka­sunog nang husto ng buong mukha at katawan nito. Wala rin anu­mang dokumento na maaaring base­han ng pagka­kakilanlan ang narekober ng pulisya.

Tinataya naman na nasa pagitan ng edad na 15-20 anyos ang biktima, may taas na 4’6’’, may basahang naka­busal sa bibig at nakatali ng kable ng kuryente ang mga kamay at paa.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang madiskubre ang nagli­liyab na bangkay sa gilid ng south­bound lane ng C-5 Road ma­lapit sa McKinley Road ng mga tauhan ng Taguig Mobile Patrol Group na sina PO2 Allan Corpus at PO2 Ferdie Letac.

Sa inisyal na imbesti­gas­yon, wala namang nakitang anu­mang palatandaan na sinaksak o binaril muna ang biktima bago ito sinilaban. Nagawang ma­apula ng mga pulis ang apoy makaraang manghiram ng fire extin­guisher sa malapit na McKin­ley Security Office.

Nakuha naman sa lugar na pinagsunugan ng bangkay ang apat na upos ng sigarilyo at isang nakaluping t-shirt na nangangamoy gasolina na na­kapailalim sa katawan ng biktima.

Isang masusing pag-ana­lisa sa Crime Laboratory ang posib­leng isagawa sa natu­rang bangkay upang mabatid ang pagkakakilanlan nito sa pama­magitan ng dental re­cords habang aalamin rin ang sanhi ng kamatayan sa pama­magitan ng awtopsiya. (Danilo Garcia)

Show comments