MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ni Acting Justice Secretary Agnes Devanadera ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang isang umano’y opisyal ng NBI na nanuhol sa isang obispo upang manahimik sa usapin ng operasyon ng sugal.
Base sa ipinadalang memorandum order ng Kalihim kay NBI director Nestor Mantaring, partikular na tinukoy nito upang magpaliwanag si Director Constantino Joson ng NBI Cagayan Valley tungkol sa pagkakasangkot sa nasabing kontrobersya.
Nais ni Devanadera na ipaliwanag ni Joson sa loob ng 42-oras kung bakit hindi siya dapat papanagutin tungkol sa nasabing anomalya.
Ang kautusan ng Kalihim ay bunsod sa mga lumabas sa pahayagan na pinangalanan ni Bayombong Bishop Ramon Villena si Joson na isa sa dalawang personalidad na umano’y nanuhol sa kanya ng pera kapalit ng pananahimik nito sa kwestyunableng operasyon ng Meridien Vista Gaming Corporation (MVGC).
Itinanggi naman ng opisyal ang nabanggit na suhulan at sinabing ang cash na binigay kay Bishop Villena ay donasyon ng simbahan at hindi suhol kasabay ng paninindigan na ang galing sa MVGC ay hindi illegal at ipinagkaloob ito sa obispo noong kanyang kaarawan.
Nilinaw pa ni Joson na legal ang operasyon ng MVGC dahil rehistrado ang kanilang mga papeles sa Securities and Exchange Commission (SEC) na may prangkisa mula sa Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) at may pahintulot ng local go vernment units at provincial board ng Nueva Ecija. (Gemma Amargo-Garcia at Ludy Bermudo)