MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang pamahalaang lungsod ng Taguig at Taguig police sa posibleng pagkalat na sa lugar ng mga pekeng pera matapos na dalawang miyembro ng isang sindikato ang madakip sa isang entrapment operation.
Nakilala ang mga naaresto na sina Fernandez Turogonan, 31, ng Casoy St., Brgy. Western Bicutan; at Jhon Balayman, 20, ng Wild Car, Brgy. Ususan, Taguig City.
Naaresto ang mga suspek dakong alas-6 ng gabi nitong nakaraang Miyerkules ng pinagsanib na puwersa ng Taguig Police Intelligence, Anti-Carnapping Section at Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG) sa tapat ng isang sanglaan sa Maharlika Road, Brgy. Upper Bicutan.
Nabatid na isang linggong paniniktik ang isinagawa ng pulisya bago inilunsad ang operasyon makaraang makumpirma ang iligal na aktibidad ng pagbebenta ng pekeng P100, P200, P500 at P1000 bills.
Nababahala naman si Mayor Freddie Tinga sa posibilidad na kalat na sa lungsod ang naturang mga pekeng pera kaya nagbabala ito sa publiko na suriing mabuti ang ibinabayad sa kanilang mga pera. Maaari umanong tumawag sa kanilang “emergency hotline 1623” ang sinumang mabibiktima at makapagbibigay ng impormasyon para sa paglansag sa naturang sindikato. (Danilo Garcia)