MANILA, Philippines - Umapela kahapon kay Acting Justice Secretary Agnes Devanadera ang fishing magnate na si Lope Jimenez na ibasura ang kasong murder na inihain laban sa kanya ng beauty queen na si Rochelle Barrameda dahil sa pagkamatay ng kanyang kapatid na si Ruby Rose.
Sa 36-pahinang petition for review na inihain ni Jimenez,sinabi nito na walang basehan ang kasong isinampa laban sa kanya kundi base lamang sa pahayag ni Manuel Montero at walang sapat na ebidensiya upang ituloy ang kaso laban sa kanya.
Iginiit din nito na hindi pa rin napapatunayan na ang bangkay na nakuha sa loob ng drum sa dagat ng Navotas ay kay Ruby Rose Barrameda.
Si Lope ang siyang may-ari ng Buena Suerte Jimenez (BSJ) Fishing and Trading Co. at nakababatang kapatid ni Atty. Manuel Jimenez Jr. na ama naman ni Manuel Jimenez III na asawa ni Ruby rose.
Nauna nang nagpalabas ng warrant of arrest ang Malabon Regional Trial Court matapos na maisampa ang kasong murder laban sa magkapatid na Jimenez.
Iginiit naman ni Jimenez na wala siyang motibo upang gawin ang umano’y pagpatay kay Ruby Rose at sa halip dapat ang testimonya umano ni Montero ang dapat madiin dahil sa matapos ang dalawang taong pananahimik ay biglang susulpot at saka biglang magsasalita tungkol sa kaso. (Gemma Amargo-Garcia)