MANILA, Philippines - Nakatanggap ng ayuda ang Caloocan City Government mula Department of Health (DoH) nitong Huwebes sa pamamagitan ng mga “insecticide-treated” na kulambo pabor sa kampanya nito laban sa sakit na malaria.
Personal na pinasalamatan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri si DoH Secretary Francisco T. Duque III sa kanyang pamamahagi ng mga naturang kulambo sa may 2,000 pamilya ng Pangarap Village sa Barangay 181 at 182.
Bumisita ang kalihim sa lungsod bilang bahagi ng kanyang programang “Dalaw Barangay” kontra malaria kung saan napili ang dalawang barangay dahil sa mga naitalang na kaso ng malaria simula noong nakaraang taon.
Sa surveillance report ng Caloocan Health Department na may petsang June 30, 2008 hanggang Aug. 24, 2009, lumitaw na nagkaroon ng 37 kumpirmadong kaso ng malaria at “zero death” sa lahat ng sentinel hospitals at health centers sa buong lungsod.
Gayunpaman, sinabi ni Mayor Recom na ang pamamahagi ng mga mosquito net ay isang bahagi lamang ng kampanya ng pamahalaan upang puksain, o maiwasan man lamang, ang mapanganib na sakit.