MANILA, Philippines - Hindi pa man nakalalayo ang dalawang babaeng miyembro ng “Budol-budol gang” habang bitbit ang mga alahas na tinangay sa isang alahera, nabuking na ang boodle money na kanilang ibinayad sa kinuhang alahas, sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng hapon kung kaya agad silang naaresto.
Nakapiit na sa Manila Police District-Station 3 ang mga suspek na sina Merlinda Longtud, 51; at Estrelita Suarez 41, kapwa residente ng Daang Bakal, Upper Bicutan, Taguig City matapos pormal na ipagharap ng reklamo ng negosyanteng si Myra Lim, 38, ng Navotas City.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3 ng hapon nang bitbitin sa presinto ang mga suspek nang maabutan sa panulukan ng T. Alonzo st., at Rizal Ave., Sta. Cruz, Maynila.
Sa salaysay ni Lim, hinimok umano siya ng dalawang suspek na mangutang ng pera sa kanila dahil nagbibigay umano sila ng 5’6’’ at ipinakita ng mga bungkos na pera.
Nang magpasiya umano ang mga suspek na iiwan muna ang nasabing pera sa biktima, nakumbinse umano ang biktima na ipadala ang iba’t ibang klase ng mga alahas na umabot sa halagang P50,000.
Papalayo na umano ang dalawang suspek nang muling suriin ng biktima ang pera upang bilangin subalit natuklasang pawang ginupit na papel at diyaryo lamang pala kaya agad na ipinahabol ito sa kanyang mga tauhan.
Nadakip ang 2 babae at nabawi rin ang 6 na pirasong gintong singsing, kwintas at mga cellphone. (Ludy Bermudo)