MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong kriminal sa Department of Justice Task Force on Anti-Smuggling ng Bureau of Customs (BOC) ang kompanya ni Atty. Manuel Jimenez Jr. dahil sa pag-smuggle ng milyung-milyong imported diesel oil.
Kabilang sa mga sinampahan ng kasong paglabag sa Tariff and Customs Code ang Corporate Officers and Directors ng Buena Suerte Jimenez Fishing and Trading Inc. (BSJ) na sina Ismael Santos, Valtoni Ponciano, Supervisor, Lope Jimenez, Special Project Consultant, Glenn Ramos, Alexander dela Cruz, chairman at President, Benjamin Reyes at Robert de Leon, directors at Elan Colinares Corporate Secretary.
Ayon sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), naaktuhan ang BSJ na nagdidiskarga at nagmamantine ng 2,007,952 litro na illegal na imported diesel oil ng walang kaukulang dokumento.
Tinatayang umaabot sa P63,645,406 ang halaga ng nadiskubreng smuggled diesel oil. (Gemma Amargo-Garcia)