MANILA, Philippines - Basag ang bungo ng isang superbisor makaraang pukpukin ng martilyo sa ulo ng kanyang tauhan dahil sa selos sa isang guest relation officer na nakilala nila sa isang beerhouse sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Nakilala ang biktima na si Arnel Crisostomo, binata, stay-in sa may pinaglilingkurang furniture shop na Fairview sa lunsod.
Dala ng konsensya, kusa namang sumuko sa kanyang among si Miriam Pereira ang suspek na si Abe Gutan, 32, helper sa nasabing pagawaan.
Sa imbestigasyon ni PO2 Tumanday ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police, naganap ang insidente sa may loob ng pinaglilingkuran nilang furniture pasado ala-1 ng madaling-araw.
Ayon kay Tumanday, umamin ang suspek sa kanyang among si Pereira na pinukpok niya sa ulo ang biktima dahil nagselos daw ito kaugnay sa isang GRO na kanilang nakilala sa isang beerhouse.
Bago nito, nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek kaugnay dito kung saan nauwi ito sa pambubogbog ng huli sa una hanggang sa dumampot ito ng martilyo at bambuhin sa ulo.
Ayon kay Pereira, nanood siya ng telebisyon nang lapitan siya ng suspek at sabihing nakatalo niya ang biktima.
Kasabay nito inamin ng suspek kay Pereira ang pangyayari sa pagsasabing “Ate nag-away kami ni Arnel, papatayin niya ako, kaya inunahan ko siya at pinukpok ko siya ng martilyo.”
Nang mabanggit ito ng suspek ay agad na kinabahan si Pereira at mabilis na pinuntahan ang lugar kung saan natuklasan ang biktima na nakabulagta at wala nang buhay.
Ang suspek ay nakapiit ngayon sa tanggapan ng QCPD habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya. (Ricky Tulipat)