MANILA, Philippines - Umabot sa milyong katao ang dumalo sa libing ng yumaong executive minister nito na si Eraño “Ka Erdy” Manalo kahapon ng tanghali.
Inilibing si Manalo sa isang Tabernacle malapit sa INC Central Temple sa Quezon City.
Nananangis ang mga ministro at pamilya ni Manalo habang ipinapasok ang kanyang kabaong sa isang puntod sa sentro ng Tabernacle.
Ibinigay ni Vice President Noli de Castro ang bandila ng Pilipinas sa biyuda ni Manalo habang isang 21-gun salute naman ang pinaalingawngaw para sa yumaong lider ng INC.
Sinabi ni Quezon City Police District Chief Elmo San Diego na umabot sa isang milyon ang pumila sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at sa kanugnog na mga kalsada sa paligid ng compound ng INC.
Dumalaw din at nagbigay ng respeto para kay Manalo si Pangulong Gloria Arroyo at iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Sumikip ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Commonwealth Avenue dahil sa pagdating ng maraming tao sa libing ni Manalo.
Kahapon ng tangkali nagkaroon ng funeral service pero inihayag ng INC na walang eulogy para kay Ka Erdy. (Angie dela Cruz, Ricky Tulipat at Rudy Andal)