MANILA, Philippines - Nabawi ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang pinaghiwa-hiwalay na replicating machine na posibleng ito ang nawawalang P60-milyong makina o ebidensiya.
Baklas na ang replicating machine nang matagpuan ng PASG-NBI Special Operations Group sa pangunguna ni National Bureau of Investigation Deputy Director Atty. Edmund T. Arugay sa isang warehouse sa Industrial Subdivision, Brgy. Dalandanan, Valenzuela City kamakalawa.
Ayon kay Atty. Arugay, ilang araw na minanmanan ang naturang warehouse kasunod ng isang tip mula sa isang informant hanggang sinalakay sa bisa ng isang mission order mula kay PASG Head Undersecretary Antonio “Bebot” Villar, Jr.
Naimbestigahan ang tatlong mekaniko na nagsabing inupahan sila ng isang nagngangalang “Gener” na magkumpuni ng isang forklift na natagpuang katabi ng replicating machine at ginamit na pambuhat nuon.
“Titiyakin pa namin kung ang replicating machine na nabawi ay siya ring makina na nawala bagamat pinapalagay naming ganuon na nga,” pahayag ni Usec. Villar.
Ang misteryosong pagkawala ng naturang replicating machine bilang ebidensiya ay naging bunsod ng usapin at hidwaan sa pagitan ng PASG at OMB. (Butch Quejada)