MANILA, Philippines - Dalawang ex-convict na miyembro ng “Bahala na Gang” at “Batang City Jail” ang napatay habang isang lalaki pa ang sugatan matapos ang pamamaril ng ilang kalalakihang nakasuot ng bonnet sa magkahiwalay na lugar sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Criminal Investigation Unit ng Quezon City Police, kinilala ang mga nasawi na sina Arthur Carbunco Jr., 30, binata, miyembro ng Bahala na Gang, at residente sa #123 Maya St., Barangay Commonwealth sa naturang lunsod; at Cesar Cantelejo, 36, may-asawa, miyembro ng Batang City Jail at residente sa #321 Steve St., Sugatan sa insidente si Ferdinand Dioson, 28, may-asawa ng nasabi ring barangay.
Ayon sa ulat, nangyari ang unang pamamaril kay Carbunco sa may harap ng isang tahanan sa 140 Unit 5, Maya St., sa nasabing barangay.
Kalalaya lamang ni Carbunco sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa noong Disyembre 15, 2008. Nakulong siya dahil sa kasong robbery. Nakaupo sa nasabing lugar nang dumating ang dalawang nakamotorsiklong suspek at nakasuot ng bonnet bago siya pinagbabaril.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo. Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo ang biktima.
Kasunod nito, pinagbabaril ng apat na lalaking nakasuot ng bonnet si Cantelejo sa may harap na man ng kanyang tahanan.
Nakikipag-inuman ang biktima sa ilang kaibigan nang dumating ang mga suspek bitbit ang shotgun at pinagbabaril ito. Nagawa pa ng biktima na maka takbo ngunit hinabol siya ng mga salarin at nang maabutan ay saka muling tinadtad ng bala bago tumakas.
Samantala, nang magsagawa ng pagsisiyasat ang awtoridad ay nalaman naman na tinamaan ng ligaw na bala si Dioson.
Hindi pa mabatid ng awtoridad ang tunay na motibo ng nasabing pamamaslang na ang naging pangunahing target ay mga ex-convict. (Ricky Tulipat)