MANILA, Philippines - Ito ang masaklap na nangyari sa isang mister matapos salpukin ng isang hindi matukoy na sasakyan habang ang una ay nagkakarga ng kanyang kalakal sa harap ng isang gasoline station sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa report, ang biktima ay nakilala sa pamamagitan ng dokumentong nakuha sa kanyang bulsa na si Bene dict Parugganan, 43, tindero ng gasolina at residente ng San Jose del Monte Bulacan.
Binanggit ng pulisya na marami ang nagkunwaring tumulong ngunit ang naging pakay ay pagnakawan lamang ito dahil nawawala rin ang gamit nito at pera.
Bukod dito, hindi rin matukoy kung anong sasakyan ang nakabundol sa biktima maliban sa parte ng natapyas na side mirror at windshield kung saan tumama ang katawan nito.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na nangyari ang insidente sa may harap ng Flying V gas station malapit sa Wheeltek motorcycle store sa Quirino Highway, Brgy. Kaligayahan, Novaliches pasado ala-1 ng madaling-araw.
Nagbebenta umano ng tingi-tinging gasolina ang biktima at habang nagkakarga ito patungo sa kanyang motorsiklo sa nasabing lugar ay sumulpot ang isang sasakyan at binundol ito.
Dead-on-the-spot ang biktima sa lugar samantalang ang nakabundol na sasakyan ay hindi man lamang huminto at sa halip ay humarurot papalayo sa lugar. (Ricky Tulipat)