MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang isang 27-anyos na Chinese national makaraang pumalag, laitin at alukin pa ng suhol na barya ang mga traffic enforcers na sumita sa kanya sa paglabag niya sa batas trapiko kahapon ng umaga sa Pasay City.
Kasong paglabag sa “Seatbelt Law, driving without license, unjust vexation” at paggamit ng cellphone habang nagmamaneho ang mga kinakaharap ngayon ni Yang Shao Quiao, alyas Jacky Yang, nanunuluyan sa Room 506 Mandarin Mansion, Binondo, Maynila.
Inireklamo siya ng mga traffic enforcers na sina Trese Dasalla at Bernardo Pimentel ng Pasay City Traffic and Parking Management Office.
Sa salaysay ng dalawang traffic enforcer, naaktuhan nila ang dayuhan na gumagamit ng cellphone at walang suot na seatbelt habang nagmamaneho ng isang Toyota Innova dakong alas-11 ng umaga sa panulukan ng Libertad at Taft Avenue, Pasay.
Kanila itong sinita at nang hanapan ng lisensya sa pagmamaneho ay wala itong maipakita. Inimbitahan naman ng dalawa si Yang sa kanilang tangga pan ngunit nagmatigas ito. Nainsulto naman ang mga traffic enforcer nang abutan umano sila ng dayuhan ng tiglilimang pisong barya at sinabihan na pangkape nila. Dahil dito, dinala sa presinto at ikinulong ang suspek. (Danilo Garcia)