Common bus terminal itatayo

MANILA, Philippines - Pinaplano ng Metro­politan Manila Develop­ment Authority na magtayo ng tatlong “common termi­nals” ng mga pamprobin­syang buses sa kalakhang Maynila upang magsilbing “drop-off point” sa mga pa­sahero at tuluyan nang ma­ipagbawal ang mga ito na bumiyahe sa Epifanio delos Santos Avenue o EDSA.

Sinabi kahapon ni MMDA Chairman Bayani Fer­nando na nais rin nilang ipag­bawal na ang mga pam­­probin­syang bus sa EDSA upang mapaluwag ang da­loy ng trapiko ngunit ami­nado ito na mahirap pa itong ma­ipatupad dahil sa wala pang magsisilbing “common ter­minals” kung saan iba­baba at magsa­sakay ang mga bus ng ka­nilang mga pasa­hero pa­pasok at pa­labas ng Metro Manila.

Unang target na pag­lagyan ng terminal ang Marikina City para sa mga bus na may rutang patu­ngong Bicol at iba pang lalawigan sa Timog Luzon sa pamamagitan ng pag­daan sa ruta ng C-5 road.

Plano rin ng MMDA na magtayo ng terminal sa ilalim ng Magallanes fly-over na magsisilbing trans­fer point sa parteng Timog ng Metro Manila habang naghahanap pa ng pasa­dong lugar sa Norte. (Danilo Garcia)

Show comments