MANILA, Philippines - Dalawamput isang Chinese national na sangkot sa illegal mining ang pinapatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration.
Kaagad ipinag-utos ni BI Commissioner Marcelino Libanan sa BI civils security unit na mag-escort sa 21 Chinese national mula sa kanilang kulungan sa Bicutan jail patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Dakong alas-10:30 ng umaga ng sumakay ang mga ito sa China Southern airlines Z378 patungong Xiamen China.
Sinabi ni Libanan na ang pagpapatapon palabas ng bansa sa 21 Chinese national ay bunsod sa pagkakasangkot ng mga ito sa illegal mining ng black sand ng walang kaukulang permit at clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at walang working visa mula sa BI.
Inilagay na rin sa immigration blacklist ang nasabing mga Chinese at hindi na maari pang pumasok sa bansa.
Base sa record ng BI ang mga ito ay naaresto noong July 30 ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa hinalang mga smugglers sila ng mga illegal na droga at nagpapanggap lamang na mga marino.
Naaresto ang 21 Chinese nationals habang sakay ng dalawang chinese vessels sa Palauig, Zambales at saka itinurn over sa BI matapos na mabigong magprisinta ng mga travel documents. (Gemma Amargo-Garcia)