Lalaking may sakit sa pag-iisip, itinapong patay

MANILA, Philippines - Isang lalaking hiwalay sa asawa na umano’y inaatake ng sakit sa pag-iisip ang natagpuang patay matapos na itapon ng isang lalaking sakay ng tricycle sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Nakilala ang biktima na si Bartolome Sajol, 36, construction worker ng Kamias St., Area 9, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.

Ayon sa pulisya, natagpuan ang bangkay ng biktima ng mga residente pasado alas-4 ng hapon sa may AFP Road, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.

Bago ito, isang tricycle umano ang nakitang pumarada sa naturang lugar at hinagis ang bangkay ng biktima saka mabilis na tumakas. Sinabi pa sa ulat na Agosto 26 ay na-eksamin   ang biktima na may problema sa pag-iisip at pinayuhan na sumailalim sa pagsusuri sa National Mental Hospital.

Ayon pa sa ulat, huling nakitang buhay ang biktima ganap na alas-2 ng hapon habang humahangos papalabas ng kan­yang bahay dahil sa hinalang may nagtatangkang pumatay sa kanya.

Sa pagsisiyasat, ang biktima ay nagtamo ng mga galos sa kanyang buong katawan at ulo dulot ng pambubugbog.

Samantala, nahihirapan naman ang awtoridad na matukoy ang suspek dahil ayaw namang magsalita ang mga resi­denteng nakasaksi sa insidente. (Ricky Tulipat)

Show comments