MANILA, Philippines - Binuweltahan kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando si Senator Jinggoy Estrada na nag-akusa laban sa kanya ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act matapos amining tumanggap ng regalo mula sa kita ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ayon kay Fernando, malakas ang hinala ng marami na nais lamang agawin ng Senador ang pamamahala sa MMFF kaya’t inirerekomenda na isailalim na ang pamamahala nito sa Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund) na binuo ng kanyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada.
Inamin ni Fernando na tumanggap nga siya ng P1.6 milyon noong taong 2003 hanggang 2006 at panibagong P.5 milyon noong Hulyo 24 bilang pabuya subalit hindi aniya ito labag sa batas dahil isang pribadong organisasyon na may sariling pribadong pondo ang MMFF, batay na rin sa inilabas na opinyon ng Department of Justice.
Sinabi ni Fernando na hindi lamang siya ang nabigyan ng pabuya kundi ang iba pang sektor na responsable sa tinamasang tagumpay ng MMFF bilang pagkilala sa kanilang naging kontribusyon.
Natural lamang aniya ito sa mga pribadong organisasyon kung saan binibigyan ng pabuya ang mga taong nakapaglingkod ng mahusay at naging susi upang lumobo ang pondo o kita.
Idinepensa rin nina Atty Espiridion Laxa at Wilson Tieng, kapuwa miyembro ng Executive Committee ng MMFF ang pagkakaloob ng cash gift kay Fernando dahil sa mahusay nitong pamamahala na nagresulta upang malagpasan ang kita ng MMFF at mabuhay muli ang industriya ng pelikulang Pilipino.
Aminado naman si Fernando na lumiit ang tinatanggap na benepisyo ng mga binabahaginan ng kita ng MMFF tulad ng Mowelfund dahil nadagdagan aniya ang listahan ng mga bibigyan ng biyaya mula sa kita ng taunang festival kabilang na ang Film Academy of the Philippines at ang Motion Picture Anti-Piracy Council. (Lordeth Bonilla)