MANILA, Philippines - Nauwi sa kamatayan ng isang obrero ang pagbabawal niya sa malakas na murahan ng kanyang pinsang lalaki at asawa nito matapos na siya’y saksakin ng naturang pinsan sa lungsod ng Quezon kamakalawa ng gabi.
Isang malalim na tama ng saksak sa likod ang tumapos sa buhay ng biktimang si Elbert delas Alas, 28, may-asawa at residente ng 36-F Sitio Maligaya, Brgy. Bahay Toro sa naturang lunsod.
Naaresto ng Barangay Police Security Office ang suspek na si Robert Dela Cruz, 26, pinsan ni Delas Alas ng nasabi ring lugar.
Nauna rito, nagtatalo at malakas na nagsisigawan si Dela Cruz at ang kanyang live-in partner.
Naingayan si Delas Alas at pinagsabihan ang dalawa na hinaan lang ang kanilang usapan dahil natutulog ang siyam na buwang gulang niyang anak at baka magising.
Ngunit lalong nagalit si Dela Cruz at minura si DeLas Alas.
Nagkaenkuwentro ang magpinsan hanggang sa saksakin ng suspek ang biktima na ikinamatay nito. (Ricky Tulipat)