MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng isang pamilya ang sugatan nang lumipad at bumagsak sa mabatong bahagi ng Manila Bay ang sinasakyan nilang kotse makaraang mawalan ng kontrol ang driver nito nang gitgitin umano ng isang trak, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Isinugod sa St. Dominic Hospital makaraang sagipin ng mga tauhan ng Las Piñas rescue unit ang mga biktimang nakilalang sina Jomar Zamudio, misis na si Baslesette at 5-taong gulang na anak na si Emmanuel, pawang mga residente ng Imus, Cavite.
Sa inisyal na ulat ng Las Piñas Traffic Management Unit, naganap ang aksidente dakong alas-9 ng umaga sa may Coastal Road malapit sa hangganan ng Las Piñas at Parañaque City.
Nabatid na lulan ng kanilang itim na Toyota Altis (ZJR-183) ang pamilya Zamudio at patungong Cavite nang magitgit umano ng isang trak kung saan umiwas na mabangga si Jomar at mawalan ng kontrol.
Dire-diretsong lumipad sa gilid ng Wawa Bridge at bumagsak sa Manila Bay ang naturang kotse sakay ang pamilya Zamudio. Agad namang rumesponde ang mga otoridad kung saan nagtulung-tulong na agad na mailabas ng sasakyan ang mga biktima.
Inaasahan naman na maiaahon na ng pamahalaang lungsod ng Las Piñas ang sasakyan ng mga biktima sa pagkakalubog sa dagat. (Danilo Garcia)