MANILA, Philippines - Malaki ang paniniwala ni Ric de Guzman, Chief of Staff ng Manila City Hall, na hawak ng mga sindikato ang may 21 ghost employees na ginagamit ng dalawang totoong empleyado ng pamahalaang-lunsod kabilang na ang isang pay master na dinakip kamakalawa ng pinagsanib na puwersa ng Manila Complaint Action Team at City Hall Action and Police Assistance ng Manila Police District.
Pormal nang kinasuhan sa Manila Regional Trial Court ng Malversation of Public Funds, Swindling thru Falsification of Public Documents at Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina Fritz Bores, 48, ng No. 52 Luzon St. Filipinas Village, Malanday, Marikina City, at Rodel Leyson, 41, nakatalaga sa Electronic Data Processing at nakatira sa San Jose del Monte, Bulacan. Ayon kay de Guzman, kasalukuyang tinutukoy ni Sr. Insp. Marcelo Reyes, hepe ng CHAPA, ang sindikato sa loob ng City Hall.
Nadiskubre ni Helen Navidad, Officer-in-charge ng Accounting and Procurement Division ang 21 ghost consultants nang hindi mag-tally ang budget na nakalaan sa mga consultant na nakarehistro sa Office of the Mayor.
Kasalukuyan din nilang inaalam kung sinu-sino ang nasa likod nito matapos na mabunyag na Enero 2008 pa nagsimula ang koleksiyon na umaabot sa P5,103,000 hanggang Hulyo 2009. (Doris Franche)