MANILA, Philippines - Ipinagharap ng kasong murder sa piskalya ang dalawang tauhan ng Manila Police District (MPD) na itinuturong pumatay sa isang 15-anyos na binatilyo, noong Mayo 5, 2009, sa Binondo, Maynila.
Sa transmittal report, sina PO2 Arnel Tubbali, 29, at PO1 Dexter Arciaga, 30, kapwa nakatalaga sa MPD-Station 2, ay sinampahan ng reklamong murder ng NBI sa Manila Prosecutor’s Office makaraang mabigong sagutin ang mga aku sasyong inihain ni Ignacio Hayahay, 55, ama ng napatay na si Raffy Hayahay, 15, ng Parola Compound, Binondo, Maynila.
Nabatid na dumulog sa NBI ang ama ng biktima upang hindi umano ma-white wash ang imbestigasyon kung sa MPD rin ito magsasampa ng reklamo.
Idinahilan umano ng 2 suspek na hindi maghain ng affidavit sa NBI dahil sa piskal sila maghahain ng paliwanag.
Sa findings ng NBI-Special Task Force, ang biktima ay nakita pang nagpapasaklolo sa isang bahay sa Gate 40 dakong alas-11:30 ng gabi noong Mayo 5 matapos pagbabarilin ng mga pulis.
Sa hiwalay na impormasyon, nakita umano ang biktima na binitbit ng 2 pulis kahit sugatan na sa tama ng bala at nakaposas umano ang mga kamay na nasa likod.
Ilang residente sa lugar ang nagsabi sa dalawang pulis na dalhin sa pagamutan ang menor-de-edad ngunit sinabihan umano sila ng dalawa na huwag makialam, bago ito isinakay sa marked vehicle ng police. Nalaman na lamang umano nila na idineklarang dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktima (Ludy Bermudo)