MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang 20- anyos na binata matapos na mabiktima ng hit and run ng isang 10-wheeler truck sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat, ulo ang labis na napinsala sa biktimang si Jayson Mendoza, 20, vulcanizing boy ng Malabon City, dahil nagkalat na umano ang utak nito sa kalsada matapos ang insidente.
Nahihirapan naman ang pulisya na matukoy ang naturang truck na nakabundol dito dahil walang sinuman ang nakakita sa plaka nito.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Talipapa sa lungsod ganap na alas-2:30 ng umaga.
Galing ng Balintawak ang biktima sakay ng kanyang bisikleta at tinatahak ang nasabing lugar patungong Novaliches Bayan nang pagsapit sa harap ng Del Mundo Bldg., malapit sa Solvill St., ay biglang bundulin ito ng nasabing truck.
Sa pagkakabundol ay tumilapon ang biktima sa kalsada at dahil mabilis ang takbo ng truck ay nasagasaan pa ito na siyang dahilan ng kanyang kamatayan.
Habang ang truck naman ay hindi na nagawang huminto at nagtuluy-tuloy na lumayo at iniwan ang biktima. (Ricky Tulipat)