MANILA, Philippines - Tinutugis ngayon ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhan na sangkot sa sindikato ng “human organ smuggling” sa bansa na nambibiktima ng mahihirap na kababaihan sa mga lalawigan na kanila munang pinakakasalan bago kukumbinsihing ibigay ang kanilang mga kidney.
Inatasan ni BI Commissioner Marcelino Libanan ang immigration area offices nito sa Mindanao na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang madakip ang mga organ smugglers.
Naalarma si Libanan sa mga ulat na marami nang mahihirap na residente sa Mindanao ang nabiktima ng mga nasabing smugglers sa pamamagitan ng paghikayat sa mga ito na ibigay ang kanilang mga kidney kapalit ng malaking halaga ng salapi.
Modus operandi umano ng miyembro ng mga sindikato na ligawan muna at pakasalan ang mga Pinay at pagkatapos nito ay hihikayatin ang kanilang mga asawa na i-donate ang kanilang organ para umano gamitin sa charity.
Gayunman, sa sandaling mapapayag na mai-donate ang organ ay saka naman ibibenta ng mga ito sa mga mayayamang nangangailangan.
Sinabi ni Libanan na seryosong paglabag ang nagagawa ng mga nasabing dayuhan dahil sinasamantala nila ang kahirapan ng mga kababaihan sa lalawigan.
Makikipag-ugnayan ang immigration area directors sa iba pang miyembro ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para madakip ang mga organ smugglers at masampahan ng kaso.
Una rito ay ibinunyag ni Cotabato Rep. Emmylou Mendoza ang talamak na operasyon ng human organ smugglers sa Cotabato at mga kalapit na lalawigan.
Ayon kay Mendoza, nakapambiktima na ang mga nasabing smugglers ng hanggang 12 kababaihan sa Cotabato na binigyan umano ng P200,000 kapalit ng kanilang kidneys.