2-anyos lunod sa Pasig River

MANILA, Philippines - Bangkay na nang matag­pu­ang lumulutang ang isang 2-anyos na batang lalaki sa Pasig River sa Maynila ma­tapos ang 15 oras na search and rescue operation sa bahagi ng Mandaluyong City, kung saan ito nahulog mula sa creek na inanod sa patungong ilog, kahapon ng umaga.

Nakilala ang nasawi na si John Michael Cultura, ng Nueve de Pebrero St., Purok 2, Brgy. Mauway, Mandalu­yong City.

Sa ulat ni Det. Gerry Amores ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6 ng umaga nang matagpuan ang bang­kay ng biktima sa tubig ng Pasig River sa likod ng Bgy. 625 hall, sakop ng Dalisay St., Sta. Mesa.

Nabatid na alas-3 pa la­mang ng hapon, kamaka­lawa nang aksidente umanong mahulog sa creek sa likod ng kabilang bahay ang musmos.

Agad umanong ipinag­bigay-alam sa awtoridad at nag­sagawa ng search and rescue operations subalit bigong matagpuan.

Kahapon ng umaga, isang bangkero na kinilalang si Rudy Tenson, ang naka­pansin sa palutang-lutang na bangkay nito at ipinagbigay-alam sa nakakasakop na barangay. (Ludy Bermudo at Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments