MANILA, Philippines - Inilagay na sa Hold Depar ture Order (HDO) ng Bureau of Immigration si dating Batangas Vice-Governor Ricky Recto.
Ayon kay BI Associate Commissioner Roy Almoro, ang pagpapalabas ng HDO laban kay Recto ay bunsod sa kahilingan ni Atty. Ferdinand Topacio ang abogado ni dating Batangas Governor Armando Sanchez.
Si Recto ay pinaghahanap sa kaso ng pagpapasabog sa sasakyan ni Sanchez kung saan naglaan pa ito ng P1 milyon reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Recto.
Inalerto na rin aniya ang mga immigration officers sa lahat ng Paliparan sa bansa para bantayan si Recto at huwag itong mapayagang basta-basta makapagbiyahe.Si Recto ay mayroong standing warrant of arrest sa kasong murder at frustrated murder.
Maliban kay Recto, kasama ring kinasuhan ang abogadong si Christopher Belmonte at ilang hindi pa nakikilalang salarin. Sangkot umano sina Recto sa pagpapasabog sa sasakyan ni Sanchez noong June 1, 2006, na ikinasugat ng dating Gobernador at ikinasawi naman ng dalawang security escorts nito.
Walang piyansang inirekomenda ang Batangas City Regional Trial Court para sa paglaya ng mga akusado. (Gemma Amargo-Garcia)