MANILA, Philippines - Apat na pulis ang kinasuhan ng extortion at illegal arrest ng isang lola sa Northern Police District-Internal Affair Services kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina Insp. Rodrigo Soriano, hepe ng Station Special Operation Group at mga tauhan nito na sina PO2 Jonathan Perillo, PO2 Manuel Mejia at PO1 Noel Gregorio.
Sinasabi ng biktimang si Edna Morales, 60, ng Panday Pira, Bagong Barrio, Caloocan City na, noong May 20, 2009 ay hinuli ng mga nasabing pulis ang kanyang dalawang anak na sina Apel, 32, at Bernard, 36; sa sabungan sa La Loma, Quezon City. Dinala ang magkapatid sa presinto sa 9th Avenue at kakasuhan umano ng illegal possession of drugs kung hindi magbibigay ng P20,000 ang bawat isa.
Napilitan ang ginang na magbigay subalit makalipas ang ilang araw ay ang anak na babae ng una na si Mia, 28, naman ang hinuli ng mga nasabing pulis sa kanilang bahay sa Bagong Barrio at hiningan ng P15,000 upang makalaya na pinagbigyan uli ng ginang.
Ilang linggo ang lumipas ay iniikutan na ng mga nasabing pulis ang bahay ng ginang na naging dahilan upang magsampa na ito ng kaso laban sa mga suspek. (Lordeth Bonilla)