MANILA, Philippines - Hinamon ni Quezon City Vice Mayor Herbert “Bistek” Bautista ang sinumang indibidwal na kontra sa ordinansang magpapataw ng parking fee sa mga kalye at iba pang espesyal na lugar sa lungsod na lumahok sa itinakdang deliberasyon ng konseho hinggil dito sa Hulyo 24.
Ayon kay Bautista, inihain ang naturang ordinansa sa konseho upang bigyan ng solusyon ang mga sagabal at naghambalang na mga sasakyan sa mga kalye at bangketa ng siyudad na kadalasan ay nagdudulot ng kapahamakan sa motorista at sa taumbayan at ugat pa ng pagsisikip ng daloy ng trapiko
Sinabi ni Bautista na handang makinig ang Konseho sa opinyon at palagay ng mga residente pabor man o hindi sa nasabing ordinansa kung kaya nararapat lamang na dumalo ang lahat ng may interes sa isasagawang deliberasyon hinggil dito.
“Nais kong linawin na isang panukala pa lamang ito. Malayo pa ito na maging isang ordinansa. Magsisimula ang aming deliberasyon sa Hulyo 24. Ito po ay bukas sa publiko para matimbang natin ang lahat ng panig. Makikinig ang Konseho sa mga residente,” sabi ni Bautista.
Idinagdag pa ni Bautista na kung ang mga bangketa ay may nakaparadang sasakyan, malalagay ang mga pedestrian sa delikadong sitwasyon na mapipilitang maglakad sa kalsada na kung tutuusin ay daanan lamang ng sasakyan.
Sinabi pa ni Bautista na posibleng makapagbigay ng libong trabaho ang naturang ordinansa sakaling makapasa ito sa Konseho dahil maaring maging attendant o kolektor ang kahit na sino kabilang na ang kababaihan, senior citizens at out of school youths. (Angie dela Cruz)