4 holdaper bulagta sa shootout

MANILA, Philippines – Apat na pinaniniwalaang mga holdaper ang nasawi ma­ka­raang makipagpalitan ng putok sa pulisya sa magkahi­walay na lugar sa Maynila at Quezon City, kahapon.

Sa Maynila, bumulagta ang dalawang lalaking nagtangkang makipagpalitan nang putok sa mga tauhan ng pulisya sa aktong hinoholdap ang isang tin­dahan ng  negosyanteng Tsinoy, sa Tondo, Maynila

Nakilala ang isa sa mga suspect na si Dennis Dimacila, 27 habang inaalam pa ang pangalan ng nasawi rin nitong kasamahan.

Dakong alas-3:20 ng mada­ling-araw nang maganap ang insidente sa harapan ng isang tindahan sa #469 C.M. Recto Avenue, Tondo.

Nabatid na habang nagba­bantay ng tindahan si Tony Ching, anak ng may-ari na si Jose Ching nang lapitan sila ng mga suspek na nagpanggap na kostumer hanggang sa nag­labas ng baril ang mga suspek at nagdeklara ng holdap.

Lingid sa mga suspek ay may nakaposteng mga pulis na nakasuot sibilyan sa lugar matapos atasan na manmanan ito nang makita sa closed circuit television (CCTV) noong naka­lipas na madaling-araw na hinol­dap na ang tindahan. Agad na rumesponde ang mga pulis subalit sa kanilang paglapit ay agad silang pinaputukan ng mga suspect kaya napilitan na rin silang gumanti ng putok kung saan napatay ang dalawang suspect.

Sa Quezon City napatay din ng tropa ng Quezon City Police ang kilabot na riding in tandem gang na responsable sa serye ng robbery/holdup dito matapos na masawi sa engkwentro ang dalawa sa mga ito sa lungsod kamakalawa ng gabi.

Ayon sa ulat, ganap na alas- 8 ng gabi nang maganap ang engkuwentro sa pagitan ng mga suspek at pulisya sa bisi­ni­dad ng Don Antonio Subd. Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Bago ang insidente, isang tawag ang natanggap ng pu­lisya hingil sa dalawang lalake na nakasakay sa isang motor­siklo na may kahina-hinalang kinikilos. Nang tunguhin ng mga awtoridad ang lugar ay naispa­tan nila ang dalawang suspek na ang isa sa mga ito ay may takip ng panyo sa mukha habang sakay sa isang Honda XRM na walang plaka.

Nang sitahin ng mga awto­ridad ang mga suspek, agad na naglabas ng baril ang mga huli at pinaputukan ang Mobile Patrol ng mga una da­hilan upang gumanti ang mga ito ng putok.


Show comments