Sasakyang ninakaw bumangga: 2 karnaper timbog

MANILA, Philippines – Kulungan ang binagsakan ng dalawang itinu­turong mga karnaper makaraang masakote ng mga awtoridad nang bumangga ang tinangay na SUV (sports utility vehicle) sa isang poste, ka­hapon ng madaling-araw sa Marikina City.

Nakilala ang mga suspek na sina Ronnie Mortrera, 22, at Christian Alcala, 27, kapwa residente ng Brgy. Cupang, Antipolo City.

Nabatid na tinangay ng mga suspek ang isang Mitsubishi Adventure (WDC-673) na nakarehistro kay Augustus Zantua, ng Starlight St., SSS Village, Marikina City.

Sa ulat, naganap ang pagtangay sa kotse dakong alas-12:30 ng madaling-araw. Sa salay­say ni Carmen Zantua, asawa ni Augustus, naka­rinig siya ng ingay sa kanilang garahe at pag-andar ng kanilang sasakyan. Nagawa umanong matangay ang kotse nang aksidenteng maiwan niya ­ang susi nito na nasa pinto at wasakin ng mga salarin ang gate ng kanilang garahe. 

Agad na ipinaalarma naman ni Zantua ang pagtangay sa kanilang sasakyan sa pulisya hanggang sa makatanggap ng ulat na narekober ang kanilang Adventure van nang bumangga ito sa isang poste sa may Brgy. Marikina Heights.

Ayon sa pulisya, maaaring dahil sa sobrang ka­lasingan kaya nawalan ng control sa pagma­maneho ang mga suspek hanggang sa tuluyang bumangga ang itatakas nilang kotse. Agad namang naaresto ang mga ito ng mga rumes­pondeng tauhan ng pulisya at barangay tanod sa naturang lugar. (Danilo Garcia)


Show comments