MANILA, Philippines – Hindi naging matagumpay ang isinagawang tigil-pasada ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide at kaalyado nito kahapon sa Metro Manila.
Sa Quezon City, wala man lamang nakitang stranded na mga pasahero dahil halos normal lamang ang daloy ng mga sasakyan partikular sa Cubao area, Commonwealth at Quezon Avenue at maging sa mga karatig lugar tulad ng San Juan, Mandaluyong, Pasig, Camanava area at Pasig area. Nag karoon pa nga nang pagsisikip ng trapiko sa nabanggit na mga lugar dahil sa dami ng mga sasakyan na pumasada sa kasagsagan ang buhos ng ulan.
Kaugnay nito, sa Makati area, sumabay din ang Makati Jeepney Operators Association (MJODA) at Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) sa tigil-pasada hindi dahil sumusuporta sa Piston kundi sila ay nagsagawa ng sariling pro testa para kondenahin ang dobleng halaga ng bayarin sa huli ng mga driver na lumabag sa batas trapiko.
Kaugnay nito, isinigaw naman ni Piston Secretary General George San Mateo na ang gobyerno umano ang nasa likod ng pamamaril sa isang lider ng Piston sa Bicol habang nagsasagawa ng transport strike sa lalawigan kahapon.
Nagsagawa ng tigil-pasada ang Piston kahapon nationwide upang kondenahin ang patuloy na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo tulad ng gasoline at diesel, ang mataas na halaga ng bayarin sa mga huli ng mga driver sa LTO at local govt. units at pagbasura sa oil deregulation law.
Habang kasagsagan ang transport strike, nagsipagbaba ng halaga ng gasoline at krudo ang ilang kompanya ng langis. Nanguna ang Unioil sa pagbaba ng P4.50 kada litro ng gasolina at diesel at sinasabing marami pang kumpanya ng langis ang susunod dito. (Angie dela Cruz)