MANILA, Philippines – Butas ang kaliwang sentido ng isang company driver matapos na magbaril sa sarili sa hindi pa mabatid na kadahilanan sa loob ng banyo ng pinapasukang kompanya sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Alfredo Lopocilio, 40, driver ng Sinagtala St., Batasan Hills, Quezon City. Si Lopocilio ay namatay noon din sa lugar ng pinangyarihan dahil sa isang tama ng bala ng 9mm sa kaliwang sentido.
Sa ulat ng pulisya, natagpuan na lamang ng mga security guard ang biktima na duguan sa loob ng banyo ng mga babae ng “Name It, Print It” corporation na matatagpuan sa #140 Sinagtala St., Ibaba Batasan Hills sa lungsod, ganap na alas-5 ng hapon.
Bago nito, kararating lamang umano ni SPO1 Joeven Campo, bodyguard ng may-ari ng kompanya nang makarinig ito ng malakas na putok ng baril mula sa CR ng babae.
Agad na pinuntahan ni Campo kasama ang ilang security guard ang CR at dahil nakakandado ito ay pinuwersa nilang buksan ito kung saan tumambad ang duguang katawan ng biktima.
Narekober sa lugar ang isang 9mm na baril at 20 empty spent shell na pinaniniwalaang ginamit ng biktima sa kanyang pagpapakamatay.
Masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya. (Ricky Tulipat)