6 tiklo sa pag-iimprenta, pagbebenta ng fake P1,000

MANILA, Philippines – Arestado ng pulisya ang anim-kataong sangkot sa pag-iimprenta at pagbebenta ng mga pekeng isang libo nang salakayin ang kanilang pinagkukutaan kahapon ng umaga sa Las Piñas City. Kinilala ni NCRPO chief Director Roberto “Boysie” Rosales ang mga nadakip na sina Francis Sescon “alyas Boy Ginto”, 53; Bernardo Cruz, 50; Leoner Sadoral “alyas Nomer”, 36; Jhon Caparuto, 25; Alfredo Argao, 64, ng Bagong Barrio, Caloocan City at Antonio Laurente, 56.

Ayon sa report, bago nadakip ang anim na suspek, una munang naaresto ng mga tauhan ng MPD si Bernardo Cruz maka­raan siyang ireklamo ng kahera ng isang restaurant sa Malate, Manila dahil sa pagbabayad ng pekeng P1,000 sa inorder na pagkain. Nakumpiska rin kay Cruz ang tatlong piraso pa ng pekeng P1,000 nang dakpin siya ng mga pulis.

Nang isailalim sa masusing imbestigasyon si Cruz, sinabi niya na binili niya sa halagang P300 kada piraso ang pekeng P1,000 papel sa isang grupo ng kalalakihan na naka-base sa Las Piñas City. Nakumpiska rin ng pulisya kay Sescon ang libu-libong piraso ng pekeng P1,000 papel na nakalagay sa isang attaché case.

Paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o Proliferation and Possession of Counterfeit Philippine Currency ang kasong isinampa laban sa mga suspek. (Lordeth Bonilla)


Show comments