MANILA, Philippines – Habambuhay na pagkakulong ang ipinataw ng Pasig City Regional Trial Court sa itinuturong operator ng kontrobersyal na “shabu tiangge” na sinalakay ng pulisya noong Pebrero 2006 sa naturang lungsod.
Sa 32-pahinang desisyon ni RTC branch 154 Judge Abraham Borreta, pinatawan nito ng habambuhay na pagkakulong si Amin Imam Boratong dahil sa pagiging maintainer ng shabu den na matatagpuan sa Mapayapa Compound sa Brgy. Sto. Tomas, Pasig City.
Hinatulan naman ng dalawang bilang na habambuhay na pagkakulong ang misis ni Boratong na si Sheryl Molera dahil sa mga kasong “maintaining of a drug den at possession of illegal drugs”. Pinagbabayad din ng korte ng P20 milyong danyos si Molera habang P10 milyon si Boratong.
Matatandaan na sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) sa ilalim ni ret. General Ricardo de Leon ang naturang shabu tiangge noong Pebrero 10, 2006. Nadiskubre rito ang mala-tianggeng tindahan na lantarang nagbebenta ng pake-paketeng shabu habang pinapaarkila rin ang mga bahay upang dito gamitin ang iligal na droga.
Umaabot sa 300 katao, kabilang na si Molera, ang naaresto sa naturang operasyon ngunit nagawa nitong makapagpiyansa. Nadakip naman sina Boratong at Molera noong Nobyembre 21, 2006 sa Makati City habang nagtatago.
Ayon sa pangunahing saksi na si Samer Palao, dating kanang kamay ni Boratong, inumpisahan nito ang operasyon ng shabu tiangge noong 2003 nang lumago ang puhunan buhat sa pagiging “small-time na drug pusher. Bumibili umano ito ng shabu sa halagang P800,000 kada kilo sa mga sindikatong Taiwanese at Tsino na kanya namang ikinakalat sa mga tiangge sa Mapayapa Compound sa F. Soriano street, Brgy. Sto. Tomas, Pasig City.
Sinabi pa nito na umaabot sa 10 kilo ng shabu ang naibebenta ng may 50 sistemador sa naturang compound kada linggo.
Inakusahan pa nito ang lokal na pulisya ng Pasig City na nagbibigay ng proteksyon sa kanila at nagpapatrulya pa kung magkakaroon ng bagsakan ng iligal na droga upang matiyak na hindi ito maaantala.