MANILA, Philippines - Dalawang kabataang lalaki kabilang ang isang estudyante ang malubhang nasugatan matapos na pagbabarilin ng apat na kalalakihan na hinihinalang kalaban nilang grupo kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Kapwa ginagamot sa Ospital ng Makati ang mga biktimang sina Bobby Quilang, 18, at Joefel Namoca, 16, high school student sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa kani-kanilang katawan.
Hinahanting naman ng pulisya ang mga suspek na ang isa ay nakilala lamang sa alyas Mata at ang tatlong hindi pa nakikilalang mga kasamahan nito.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Maya St., Brgy. Rizal, Makati City. Habang sakay ang mga biktima ng isang tricycle, biglang hinarang ang mga ito ng mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril.
Nang makita ng mga suspek na duguan ang mga biktima, mabilis na nagsitakas ang mga ito habang isinugod naman sa nabanggit na pagamutan ang mga biktima ng mga taong naroroon.
Posibleng kalabang grupo ng mga biktima ang mga suspek na rumesbak sa mga ito. (Lordeth Bonilla)